Sunday, September 4, 2011

A Review: Sisa at ang Lipunang Pilipino


    S I S A   A T  A N G  L I P U N A N G   P I L I P I N O

Ang Pagpapalaya

Sa isang maliit na karsel ay makikita ang abang matanda na lugaming-lugami ang kalagayan. Sa apat na suluking silid na ito, ipiniit ang kaawa-awang ina ni Sisa sa di mapatunayang pagkakasala. Pinagbintangang di umano’y pinuno ng isang kulto na sumasalungat sa simbahang Romana Katoliko. Hindi lamang biktima ng karamdaman sa pagiisip, kundi gayundin sa kasakiman ng mga tao, partikular kina Pedro at ang mga kasama nito, na ang ninais lang ay sariling kapakanan.

At di katagalan ay matatanaw mo ang isang grupo ng mga tao na pumasok sa nasabing piitan. At isa na rito ay ang makapangyarihan at maimpluwensyang si Don Rafael Ibarra, na may mabuting kalooban na napakiusapan ni Pilosopo Tasyo na kumatawan sa Alferez na palayain ang naturang matanda. Gamit ang mataas na katayuan sa sosyodad at respeto mula sa mga tao ng San Diego ay matagumpayan niyang napakiusapan ang Alferez na ipawalang-bisa ang mga akusasyon sa matandang babae. Hindi naglao’y agarang pinakawalan ang ina ni Sisa. Ngunit sadyang mapait ang tadhana at ang kahabag-habag na si Sisa ay namataan na lamang ang ina na wala ng buhay.

Ang ideya nang paggamit ng salapi at ang katayuan o posisyon ng isang tao sa lipunan para tumulong o pumaibabaw sa kapangyarihan ang pumukaw sa aking atensyon. Ang kahulugan ng kapangyarihan na maging ang pinakamatatag na bakal ay kaya nitong baliin.

Don Rafael Ibarra, ang kinikilalang pinakamayaman sa buong bayan ng San Diego, na nagmamay-ari ng halos lahat ng lupain sa naturang lugar. Siya ay popular at kagalang-galang na ginoo. Bagaman sa kabila ng mga kataglayang ito, siya ay nanatiling mapagkumbaba, at naninindigang promotekta at magtanggol ng mga naaapi. Tinulungan niya ang hamak na si Sisa at sampu ng mga kasama nito ng maraming ulit sa pagkumbinsi sa mga kinauukulan.

Sa pamamagitan nito ay tahasan nating masasabi na siya tunay na makapangyarihan sapagkat nakakaya niyang palayain ang mga nangangailangan. Isiping siya’y walang ni-anumang hinahawakang poder o pwesto sa pamahalaan. Kapares, mas ligtas na sambiting, ang mga sinumang makapangyarihan sa kasalukuyang panahon ay maaring gawin ang kahit anumang naisin nila hanggang sila ay may pera’t impluwensyang pinangangawakan.

Karagdagan lamang, sana ang lahat mga tinutukoy kong makapangyarihan ay tumulad sa isang Don Rafael na ang isinasaisip ay ang ikabubuti ng nakararami higit sa kayang mga pansariling intensyon.

Ang Pagkakalayo

Napagpasyahan na ni Pedro, ang suwail na ama’t asawa sa kanyang pamilya, na ipadala ang magkapatid na Basilio at Crispin sa simbahang upang manilbihan at kahit paano’y makalikom ng pera. Ito ang napakasariling desisyon ng amang walang silbi sa tahanan para lamang ipangtustos sa kanyang mga luho. Sadyang napakabata pa ng mga anak nila pero ang mga ito’y binigla na sa mga pasanin ng buhay.

Labis-labis na hinagpis ang nadarama ng magkapatid sa kadahilanang sila’y mawawalay na sa kanilang pinakamamahal na ina. Ang ina na mulat sapul ang tangi nilang kinikilalang pamilya.

Ngunit mas hindi mapapantayan ang kalungkutan dinaranas ni Sisa, inang nangungulila sa kayang mga supling, sa pagwalay ng mga minamahal niyang mga anak. Na ang katangi-tangi niyang kayamanan sa buhay.

Isa sa mga eksena na umagaw ng aking pansin ay nuong nasa simbahang ang mag-iinang Basilio, Crispin at Sisa, at sila’y nagpapaalam sa isa’t isa. Sa simbahang kung saan kanilang makaksama ang mga prayle at nang sa gayo’y makapag-impok ng pera at makatulong na rin sa pamilya. Napakahirap na kalagayan para kay Sisa ang pagpapaubaya sa iba at lubos siyang masasabik sa dalawang bata. Bawat sandali, maging sa pagtulog ay masakit na isipin para sa kanya na wala sa kanyang piling ang mga ito.

Hanggang sa ngayon ay masasaksihan mu pa rin ang mga ganitong tanawin kung saan ay nagkakawatak-watak ang mga pamilya alang-alang para sa ikabubuhay nito. Nahahanay sa listahan ng mga pinakamahirap na bansa ang Pilipinas. Kung kaya’t karamihan sa mga Pilipino ay naghahanap ng paraan upang maitawid lamang ang bawat araw mula sa krisis pinansyal. Ang mga kapus-palad o pobre nating mga kababayan ay pinababayaan, bagamat salungat sa kagustuhan, ang kanilang mga anak na maghanap-buhay at malayo para sa kapakanan ng hindi lang isa kundi buong pamilya. Hindi rin nating maipagkakailang maging yaong mga pamilyang napapabilang sa katamtamang antas ay nasa ganitong kalagayan din. Malinaw na halimbawa ang tumataas na bilang ng mga nag-iibang bansa o sa madaling salita ay mga OFW, na sa maagang panahon ay nalalayo sa kanilang mga supling upang makipagsapalaran sa ibayong-dagat. Ang sitwasyong ito sa lipunan ang sumisira sa moral at ang tunay na diwa ng pamilyang Pilipino. Na nawa’y mabigyang tugon na kahit munti, at sa gayon ay wala nang Sisa na lumuluhang namimighati sa pagkawalay ng kanyang mga munting Basilio at Crispin.

Ang Panghahalay

Tirik na tirik na ang buwang pusikit at tanging lumang lampara lamang ang pumupuwang sa napakadilim na silid. Mas higit na pinuno ang apat na sulok nang mga nakakakilabot na mga tawanan na animo’y pagmamay-ari ng demonyo. Nakakapang-hilakbot ang mga bawat sandali na sana’y mabigyan kawakasan na.

Ang naturang silid ay ang piitang kumakanlong kay Sisa na ngayo’y unti-unti nang dinudurog ng mga naipon pighati sa kanyang dibdib na maging sa kanyang matinong kaisipan ay sumisira. At ang mga halaklakang maririnig mula sa silid ay totoong mula sa mga demonyong nagkatawang tao, ang mga lasinggerong gwardya-sibil, na nagsasaya sa pagsasalo sa abang alindog ni Sisa.

Nakakalugmok pang alalahanin pa na ang naturang ginang ay nakulong sa mga paratang na marahil ay guni-guni lamang nila. Ang ginang na nagnais lang naman na makapiling ang mga anak niya. At ngayon ay pinapyepyestahan ang kanyang puri na maka-ilang ulit nang linapastangan. Sadyang nakakalugmok.

            Ang yugto ng pelikula na higit na tumalima sa akin ay ang naganap na pang-gagahasa sa kahabag-habag na si Sisa ng mga Gwardya-Sibil habang siya’y nakakulong sa piitan. Labis-labis ang pang-aabusong sinapit ng walang kalaban-labang si Sisa mula sa mga salbaheng mga bantay. Napagkataunan lamang kaya si Sisa ng kapusukan ng mga bantay? Nakakalungkot ang nahatungang malas ng biktimang si Sisa. Na hindi lang basta katawan, ngunit dangal at kaluluwa ang ninakaw sa kanya.

            Sa ngayon, napakarami pa ring mga insidenteng maihahalintulad kay Sisa ang laganap at lumalala pa sa ating lipunan. Maraming mga babae, dalagita, binibini man o ginang, ang inaabuso ang pagkakababae. Ang kanilang pagkababae ay siyang tinuturing kahinaan din. Hindi lang ang puri ng pagkababae ang nasisira kundi kaugnay nito ay ang pagkawala na ng moral, pagtitiwala sa sarili at kinabukasan ng mga babaeng biktima. At ang mas nakakbahala pa ay ang pagpaslang pa matapos babuyin ang mga ito. Ang masaklap pa ay hindi sila nabibigyan ng sapat na karapatan, proteksyon at hustisya. Kung kaya ang mabuting mensahe na lang siguro ay “paka-iingat kayo”.


Ang Pagsasakripisyo

Gabi nuon at maaliwalas ang hanging mula sa di kalayuan na dumadaplis sa munting kubo. At napakabanayad ng mga ibong tila umaawit sa ilalim ng buwan. Animo’y umiindayog ang mga puno sa pagkakaluskos ng mga dahon nito ayon sa mahinahon ihip ng habagat.

At tahimik at masayang nagsasama at nagkukwentuhan ang mag-iina. Dinadama ang kasiyahan nang isang pamilya. Nang bigla-bigla na lamang ay may asungot na sisira sa gabing mapayapa.

Umaalingasaw pa ang alak mula sa mga bibig nito ng pumasok sa tahanan di tukoy kung kanya din naman. Mataas ang boses at hindi mu naman maintindihan ng mabuti ang mga inahagulgol nito. Naghanap ng pagkain at nilamutak ito. Hindi pa nakuntento ay lumapit pa sa mag-iina at humingi ng pera para ipatalo sa sugal. Nang walang maibigay, ay sinaktan at piltang kinukuha ang mga tinatagong alahas, kung meron man.

Pagkatapos ng pagsalanta sa tahanan, umalis ang lasinggero at kung saan naman nagpasuray-suray. Samantalang si Sisa, ito luhaan na naman.


Ang pagma-maltrato kay Sisa ng kanyang, tinuring pa namang, kabiyak ang umaantala sa aking isip. At sa kabila niyon ay pinilit pa rin ni Sisa ang kanyang sarili na tanggapin ang lalaking iyon at mahalin kahit na siya ay pinagbubuhatan ng kamay nito. Ako ay namangha sa dakilang pasensya, katapatan at determinasyon na ipinakita ni Sisa para sa kanyang pamilya, lalung-lalo na sa mga anak niya. Ipinagtatangol niya ang mga anak niya sa mga pananakit din ng kanyang asawa. Ang asawa niyang walang ibang inisip kung hindi ang sarili lamang nitong pagka-kuntento, partikular na sa alak, salapi, sugal at iba pa. Manginginom, sugalero lahat-lahat na, na ipinagbili ang lahat na pag-aari tulad ng titulo ng lupa at gayundin ang mga pag-aari ni Sisa ay kanya ring pinaki-alamanan para sa walang katuturang mga bagay.

Madalas pa ring masasaksihan o hindi kaya’y maririnig ang mga ganito kaso ng pamilya sa inyong paligid. Huwag na tayong lumayo pa, dahil kahit sa kapitbahay mo lang ay nangyayari ito o hindi kay ay ikaw mismo, sa pamilya mo. Sabi nga ng ilan ay natural na ito sa kulturang Pilipino at mahirap nang alisin pa ang bahid na ito. Ngunit tayo ay nasa modernong panahon at dapat ng iwasto ang mga kamalian ng lumang paniniwala. Maari naman nating baguhin ang mga ganitong mga suliranin na hindi naman tuluyang lilimutin o iwaglit ang dati na nating mga kaugalian. Paternalistiko nga ang nakasanayang klase ng pamilya ang kinamulatan natin. Ngunit hindi naman na magandang tignan na pinagpapatuloy ito sa isang tahanang sadyang napakarupok ng haligi. Kaya nga may ilaw pa rin na nanatiling nagbibigay liwanag sa lahat. At nawa’y hindi ito mapundi.




No comments:

Post a Comment